F.R.I.E.N.D.S. -cfg
TUNAY NA KAIBIGAN
by Semidoppel
Sa dinami-rami ng tao sa mundo
Mahirap makahanap ng kaibigang totoo
Sa walong bilyon na nabubuhay na tao
Saan makakahanap ng tunay na katoto
Marami diyan akala mo ay kaibigang tunay
Nung lumaon malalaman mo may iba palang pakay
Personal na dahilan ang kanyang mithiin
Mag-ingat ka baka ika’y kanya lamang gagamitin.
Meron din naman akala mo’y kakampi
Siya ay kakampi kapag ika’y may katunggali
Pero wag ka sanang minsan ay magkamali
Baka isang araw wala na sa iyong tabi
Mag-ingat din tayo sa mga mapagkunwari
Kapag kaharap ka’y maganda ang sinasabi
Pero kapag nakatalikod ka sa ganitong uri ng tao
Sa likod mo ay kahol ng kahol na parang aso
Anu nga ba sa tingin ko ang tunay na kaibigan
Tingin ko madali lang natin iyan malalaman kaibigan
Tunay na kaibigan, laging nariyan
Sa oras ng ligaya o kalungkutan man.
Siyang kaibigan na hindi kailanman aalis
Magpapahid ng luha, aalisin ang iyong dungis
Sa iyong kahinaan ay sandigan ng lakas
Kasama mo sa problema hanggang ito ay malutas.
Ang isang kaibigan ay malawak ang tanaw
Suporta ay nariyan, laging nag-uumapaw
Gagabayan ka at hindi pababayaan
Ikaw ay aakayin, kasama mong tutungo sa paroroonan
Siyang kaibigan na hindi ka kukunsintihin
Kapag katangahan na ang iyong gawain
Tatapikin ka sa balikat upang iyong alalahanin
Hoy Tol! Gumising ka buhay mo ay wag sirain
Ito sa tingin ko ay ilan lamang na aspeto
Para malaman kung ang kaibigan ay totoo
Siyang kaibigan kung kailangan ay lilitaw
Hindi tulad ng anino na nariyan lang kapag may araw.
Comments
Post a Comment